Latest News‎ > ‎

Pagpupurga, ipinag-utos ng DOH

posted Feb 22, 2016, 3:53 PM by Arlene Sabado

Nabatid ng Department of Health (DOH) na maraming mga bata ang nagkakaroon ng bulate sa tiyan na nagiging sanhi ng madalas na pagtatamlay at pagiging masakitin ng mga bata na nagreresulta sa pagliban sa klase kung kaya’t ipinag-utos ng DOH ang pagsasagawa ng regular na pagpupurga o deworming sa mga pampublikong paaralan. Kaugnay nito, nagkaroon ng National School Deworming na may temang “Oplan: Goodbye Bulate” na ginanap noong ika-29 ng Hulyo 2015.

Ang mga narses sa bawat barangay ay nanguna sa pagbibigay ng gamot na pamurga sa mga bata sa mga pampublikong paaralan. Ang Pang-alaalang Paaralan ng M. P. Cuaderno Sr. ay nakiisa sa programang ito ng DOH. Ang lahat ng mga mag-aaral mula kinder hanggang ika-anim baitang pati na rin ang mga guro at punong guro ay uminom ng mga gamot pamurga upang makaiwas sa pagkakaroon ng mga bulate sa tiyan.

Nagbigay din ng payo ang nars na si Gng. Perla Dalde na panatilihing laging malinis ang katawan dahil ito ay mabisang panlaban kontra sa bulate. Ugaliin ding maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain para iwas bulate, iwas sakit.      

Comments