Latest News‎ > ‎

Mga Bulilit sa MPCES, humataw sa Festival of Talents

posted Nov 26, 2013, 6:07 AM by Arlene Sabado

            Isa sa di malilimutang aktibidades sa iba’t-ibang eskwelahan sa unang Distrito ang naganap noong ika-17 ng Oktubre 2013 , ito ay ang Kindergarten Festival of Talents na ginanap sa Balanga Elementary School.  Ang M.P. Cuaderno ay lumahok sa paligsahang ito na ang layunin ay di lamang mag-uwi ng panalo kundi tulungan ang mga bata na mapaunlad ang mga kasanayan, talento at pakikisalamuha sa mga tao at kapwa bata.  Naglalayon din ang eskwelahan na makalikha ng mga batang mayayaman sa ibat’t-ibang talento, matatag at malalakas ang loob upang maihanda sila iba pang mga pagsasanay sa hinaharap.   

            Ang MPCES ay lumahok sa Story Telling, Vocal Solo, Creative Dance, Nursery Rhyme, at Drawing.  Lahat ng kalahok ay naghahangad na mag-uwi ng parangal at panalo sa kani-kanilang paaralan. Hindi naman nagpatalo ang mga mag-aaral sa M.P. Cuaderno.  Bagamat maliit na eskwelahan lamang ay humataw ang mga talentadong bulilit sa paligsahang ito.  Ang mga sumusunod na kalahok ay nag-uwi ng panalo:  Si Jairo C. Tayag, Champion sa Nursery Rhyme,  Laurence De Leon, 1st Runner-up sa Story Telling, Ghian Carlo D. Mendoza, 2nd Runner-up sa Drawing at di  rin nagpahuli ang mga bulilit na mananayaw, 2nd Runner-up sa Creative Dance.

            Ang lahat ng mga  nanalo sa District Kinder Festival of Talents ay sabik na sabik na abangan ang Pandibisyong Paligsahan.  Noong Nobyemre 9, 2012 , ang lahat ng mga kalahok ay  nagbuhos na ng lakas at kakayahan upang manalo sa paligsahan.  Di pa rin nagpahuli ang M.P. Cuaderno.  Si Jairo ay muling nag-uwi ng panalo bilang 2nd Runner-up sa Nurseery Rhyme. Bagamat di pinalad sa Division Level ang ibang lumahok ay nagbuhos din sila ng lakas at kakayanan sa huling laban.  Nanatiling buo ang loob na tanggapin ang resulta ng labanang ito.  Nagpapatunay lang na ang eskwelahan ay nagsisimula nang makalikha ng mga estudyanteng matatatag ang loob at handang  sumabak sa mga hamong darating pa.

            Dahil sa suporta ng mahal na punong-guro na si Gng. Norma B. Rico, dedikasyon ng talentadong guro ng kindergarten na si Gng. Rodelyn Saldo at ang mga suporta ng mga responsible at mapagmahal na mga magulang, nag-uwi ng parangal ang mga kalahok ng M.P. Cuaderno.

Comments