Latest News


Libreng Sapatos, Handog ng Beanery!

posted Feb 22, 2016, 4:01 PM by Arlene Sabado

    

Ang Pang-alaalang Paaralan ng M. P. Cuaderno Sr. ay napili ng Beanery sa pangunguna ni G. Norman M. Gonzales upang mabigyan ng mga sapatos ang mga piling bata mula Kinder hanggang ika-anim na baitang. Ang Beanery ay nagkaloob ng 50 sapatos sa mga bata. Ito ay kanilang magagamit sa kanilang pagpasok sa paaralan.

Ang mga sapatos ay iniabot mismo ni G. Neptali Gonzales, kapatid ng may-ari ng Beanery noong ika-28 ng Agosto 2015. Batid sa mukha ng mga bata ang kasiyahang dulot ng mga sapatos.

Pagpupurga, ipinag-utos ng DOH

posted Feb 22, 2016, 3:53 PM by Arlene Sabado

Nabatid ng Department of Health (DOH) na maraming mga bata ang nagkakaroon ng bulate sa tiyan na nagiging sanhi ng madalas na pagtatamlay at pagiging masakitin ng mga bata na nagreresulta sa pagliban sa klase kung kaya’t ipinag-utos ng DOH ang pagsasagawa ng regular na pagpupurga o deworming sa mga pampublikong paaralan. Kaugnay nito, nagkaroon ng National School Deworming na may temang “Oplan: Goodbye Bulate” na ginanap noong ika-29 ng Hulyo 2015.

Ang mga narses sa bawat barangay ay nanguna sa pagbibigay ng gamot na pamurga sa mga bata sa mga pampublikong paaralan. Ang Pang-alaalang Paaralan ng M. P. Cuaderno Sr. ay nakiisa sa programang ito ng DOH. Ang lahat ng mga mag-aaral mula kinder hanggang ika-anim baitang pati na rin ang mga guro at punong guro ay uminom ng mga gamot pamurga upang makaiwas sa pagkakaroon ng mga bulate sa tiyan.

Nagbigay din ng payo ang nars na si Gng. Perla Dalde na panatilihing laging malinis ang katawan dahil ito ay mabisang panlaban kontra sa bulate. Ugaliin ding maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain para iwas bulate, iwas sakit.      

Reading Program, pinaigting!

posted Feb 22, 2016, 3:43 PM by Arlene Sabado

Ang Couples for Christ (CFC) Balanga at sa pakikipag-ugnayan sa University of Sto. Tomas ay nagsasagawa ng reading program tuwing Sabado sa loob ng isang taon sa Pang-alaalang Paaralan ng M. P. Cuaderno Sr. Layunin ng organisasyong ito na matulungan ang mga batang nangangailangan ng sapat na atensyon upang matutong bumasa.

Ang mga miyembro ng CFC ay matiyagang nagpupunta sa paaralan upang matutukan ang mga bata sa pagbabasa katuwang ang mga gurong sina Gng. Criselda D. Guzon at Bb. Catalina R. Maglaque. Sila ay nagbibigay din ng libreng merienda at pananghalian sa mga batang kanilang tinuturuan. Mayroong  kabuuang 30 mag-aaral ang kanilang tinututukan sa pagbabasa na nagmula sa una hanggang ikaapat na baitang.

Libreng kagamitan, Handog ni Gov. Abet!

posted Feb 22, 2016, 3:42 PM by Arlene Sabado

 Mapalad ang lalawigan ng Bataan sa pagkakaroon ng amang may mabuting kalooban sa katauhan ni Gob. Albert S. Garcia. Isa sa mga adhikain nya ay magkaroon ng magandang kalidad ng edukasyon sa buong lalawigan kung kaya’t siya ay nagkaloob ng mga libreng kagamitan sa mga pampublikong paaralan.

Ang mga mag-aaral mula kinder hanggang ika-anim na baitang ay nakatanggap ng mga libreng kagamitan pampampaaralan. Ito ay malaking tulong hindi lamang sa mga bata pati na rin sa mga magulang. Napakalaking tipid nito sapagkat hindi na kailangan pang mamili ng mga magulang ng mga kagamitang gagamitin ng kanilang mga anak sa pag-aaral.

Ang mga nasabing  kagamitan ay iniabot ng mga kawani ng lalawigan noong ika-3 ng Hulyo 2015 sa mga mag-aaral ng MPCES. Mababakas sa mukha ng mga bata ang kanilang kaligayahan nang matanggap nila ang mga libreng school supplies.  

MPCES Got Talent, pinasimulan!

posted Feb 16, 2016, 9:06 PM by Arlene Sabado

    Ang Pangkalahatang Pamunuan ng mga Magulang sa pangunguna ni Gng. Jacqueline C. Tayag, katuwang ang punongguro na si G. Alejandro I. Icban ay naglunsad ng Proyektong MPCES Got Talent. Ang nasabing proyekto ay naglalayong maihasa ang kakayahan ng mga bata sa pagsasayaw at matutong makihalubilo sa kanilang mga kapwa. Ang malilikom na pondo ay gagamitin sa pagsasaayos at pagpapaganda ng paaralan.

Nagpakitang gilas ang bawat kalahok sa unang labanan ng pagsasayaw (Hiphop Contest) na ginanap noong ika-28 ng Agosto 2015. Nasungkit ng ikalawang baitang ang unang puwesto para sa Category A – Primary Level. Nakamit naman ng ikaanim ng baitang ang unang puwesto para sa Category B – Intermediate Level. Ang unang baitang naman ang nakalikom ng may pinakamalaking halaga para sa 1st canvassing.

Muling magsasagupa ang bawat baitang sa pagsasayaw ng Zumba sa ika-23 ng Oktubre at Folk dance sa ika-25 ng Nobyembre.   

Apo ni Cuaderno, nagbalik-tanaw!

posted Feb 16, 2016, 8:36 PM by Arlene Sabado

    Ang mga apo ni Kgg. Miguel P. Cuaderno Sr. na sina G. Martin C. Galán, kasama ang kaniyang asawa at ang kanyang dalawang kapatid ay bumisita sa Pang-alaalang Paaralan ng M. P. Cuaderno Sr. noong ika-22 ng Hulyo 2015. Ang kanilang lolo na si Cuaderno ay ang siyang nagbigay ng lupang kinatitirikan ng paaralan.

Ang mga piling bata ay naghandog ng tula bilang pasasalamat kay Cuaderno. Lubos ang kagalakang nadarama ng kanyang mga apo ng marinig ang tulang nagbibigay pugay sa kabaitan ng kanila ng lolo. Ang mga nagsipagtapos sa paaralan tulad ni G. Rafael De Jesus ay nagbigay din ng pasasalamat. Ang mga apo ni Cuaderno sa pangunguna ni G. Galan ay magkakaloob ng rebulto ng kanyang lolo na itatayo sa paaralan. Sila rin ay nag-alok ng maaari nilang maitulong.

    Ang pagdalaw ng mga apo ni Cuaderno ay naisakatuparan sa pamamagitan ng butihing punongguro na si G. Alejandro I. Icban. Nahanap nya ang mga ito sa pamamagitan ng facebook.

Mga Bulilit sa MPCES, humataw sa Festival of Talents

posted Nov 26, 2013, 6:07 AM by Arlene Sabado

            Isa sa di malilimutang aktibidades sa iba’t-ibang eskwelahan sa unang Distrito ang naganap noong ika-17 ng Oktubre 2013 , ito ay ang Kindergarten Festival of Talents na ginanap sa Balanga Elementary School.  Ang M.P. Cuaderno ay lumahok sa paligsahang ito na ang layunin ay di lamang mag-uwi ng panalo kundi tulungan ang mga bata na mapaunlad ang mga kasanayan, talento at pakikisalamuha sa mga tao at kapwa bata.  Naglalayon din ang eskwelahan na makalikha ng mga batang mayayaman sa ibat’t-ibang talento, matatag at malalakas ang loob upang maihanda sila iba pang mga pagsasanay sa hinaharap.   

            Ang MPCES ay lumahok sa Story Telling, Vocal Solo, Creative Dance, Nursery Rhyme, at Drawing.  Lahat ng kalahok ay naghahangad na mag-uwi ng parangal at panalo sa kani-kanilang paaralan. Hindi naman nagpatalo ang mga mag-aaral sa M.P. Cuaderno.  Bagamat maliit na eskwelahan lamang ay humataw ang mga talentadong bulilit sa paligsahang ito.  Ang mga sumusunod na kalahok ay nag-uwi ng panalo:  Si Jairo C. Tayag, Champion sa Nursery Rhyme,  Laurence De Leon, 1st Runner-up sa Story Telling, Ghian Carlo D. Mendoza, 2nd Runner-up sa Drawing at di  rin nagpahuli ang mga bulilit na mananayaw, 2nd Runner-up sa Creative Dance.

            Ang lahat ng mga  nanalo sa District Kinder Festival of Talents ay sabik na sabik na abangan ang Pandibisyong Paligsahan.  Noong Nobyemre 9, 2012 , ang lahat ng mga kalahok ay  nagbuhos na ng lakas at kakayahan upang manalo sa paligsahan.  Di pa rin nagpahuli ang M.P. Cuaderno.  Si Jairo ay muling nag-uwi ng panalo bilang 2nd Runner-up sa Nurseery Rhyme. Bagamat di pinalad sa Division Level ang ibang lumahok ay nagbuhos din sila ng lakas at kakayanan sa huling laban.  Nanatiling buo ang loob na tanggapin ang resulta ng labanang ito.  Nagpapatunay lang na ang eskwelahan ay nagsisimula nang makalikha ng mga estudyanteng matatatag ang loob at handang  sumabak sa mga hamong darating pa.

            Dahil sa suporta ng mahal na punong-guro na si Gng. Norma B. Rico, dedikasyon ng talentadong guro ng kindergarten na si Gng. Rodelyn Saldo at ang mga suporta ng mga responsible at mapagmahal na mga magulang, nag-uwi ng parangal ang mga kalahok ng M.P. Cuaderno.

Mga Guro, Binigyang-Parangal!

posted Nov 26, 2013, 5:32 AM by Arlene Sabado

        Ang mga guro sa Mababang Paaralan ng M.Cuaderno Sr. ay sama–samang  nagdiwang ng Araw ng mga Guro noong Oktubre 4, 2013.  Pinamahalaan ito ng mga masisipag, matitiyaga at talentadong mag-aaral mula sa Pamunuan ng mga Mag-aaral sa pangunguna ng kanilang Presidente na si Ma. Angel Lyn R. Santiago, mula sa ikaanim na baitang. Sinimulan ang programang ito sa pamamagitan ng panalangin sa pangunguna ng SPG lider na si Angel.  Kaya naman, ang presensya ng Diyos ay sumama at tunay na nagdala ng saya at tuwa sa puso ng bawat guro at mag-aaral.  Ang Dakilang Guro, si HesuKristo na walang sawang kumakalinga, nagbubuhos ng kanyang lakas at pag-ibig sa puso ng bawat guro ang naging sentro ng panalangin at pasasalamat.  Siya na nagbibigay ng lakas sa bawat guro na  sa panahon man ng mga kahinaan at kapaguran ay nag-aanyayang ipagpatuloy ang misyong ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay sa institusyong ito.

           Tunay na di malilimutan ng mga guro ang pagdiriwang na ito sa piling ng kanilang makukulit subalit mapagpahinuhod at mapagmahal na mga mag-aaral.  Ang bawat guro ay nasorpresa nang ihayag ng tagapanguna ang pagkilala sa bawat guro.  Nagkaloob din ng mga bulaklak at mumunting regalo ang mag mag-aaral sa bawat guro bilang pagpapahayag ng kanilang pagpapahalaga at pagmamahal sa bawat guro. Hinii rin nagpahuli ang mga piling mag-aaral mula sa ikaapat hanggang ikaanim na baitang sa paghahandog ng kanilang natatanging bilang para sa mga guro sa pamamagitan ng sayaw.

Ang mga pagkilalang ito ay pinagpasiyahan ng mga mag-aaral ng M.P. Cuaderno Sr.  Nag-iwan ng aral sa puso ng bawat guro ang mga parangal at pagkilala sa kanilang dedikasyon sa pagtuturo. Tila ba makikilala din ng guro ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga mag-aaral na ito. 

Education Summit at Pagtatalaga ng PTA Officers, Sabay na ginanap!

posted Nov 26, 2013, 5:31 AM by Arlene Sabado

Naging matagumpay ang 5th Education Summit at Pagtatalaga ng PTA Officers sa Dibisyon ng Lungsod ng Balanga na ginanap sa Emiliana Hall, Tenejero, Balanga City noong nakaraang ika-17 ng Hulyo. Ito ay sa pangunguna ng Ama ng Lungsod ng Balanga na si Mayor Joet Garcia at Ama ng Dibisyon ng Lungsod na Balanga na si Dr. Ronaldo A. Pozon.

Ang punongguro, mga guro at mga opisyal ng PTA sa MPCES ay masiglang lumahok sa nasabing programa. Ito ay sinimulan sa pagbibigay ng mensahe ng ating World Class Mayor upang maiparating sa atin ang kanyang mga magagandang adhikain sa larangan ng edukasyon upang maisakatuparan ang World Class University Town. Kasunod nito ay inilahad ni Dr. Ronaldo A. Pozon, OIC, Schools Division Superintendent, ang kasalukuyang estado ng edukasyon sa lungsod. Nagbigay din ng kaalaman tungkol sa Social Entrepreneurship si Dr. Levi Verora. Ang panauhing tagapagsalita na si Dr. Hal Urban ay nagbigay ng isang makabuluhang mensahe tungkol sa tamang paggabay at pagpapalaki sa mga bata at kung paano magiging isang mahusay at epektibong guro.

Edu-Child Parenting Seminar, Muling Isinagawa!

posted Nov 26, 2013, 5:27 AM by Arlene Sabado

Muling nagkaroon ng Edu-child Parenting Seminar sa mga paaralan ng Dibisyon ng Lungsod ng Balanga na inilunsad ng butihing punong-lungsod na si Kgg. Joet Garcia. Ang nasabing programa ay nilahukan ng mga mag-asawa upang sila ay mabigyan ng sapat na kaalaman sa tamang paggabay at pag-aalaga sa kanilang mga anak at kung paano nila magagampanan ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang mga asawa, anak at biyenan.

Ang mga magulang mula una hanggang ika-anim na baitang ng Mababang Paaralan ng M. P. Cuaderno ay lumahok sa programang ito. Ito ay sinimulan noong ika-23 ng Hulyo hanggang ika-8 ng Oktubre taong 2013, tuwing Martes, 1:00 – 5:00 ng hapon sa AVR ng paaralan.

Mababakas sa mukha ng mga magulang ang kasiyahan dulot ng seminar na ito. Malaking tulong ito sa kanila upang maging matatag at maayos ang pagsasamahan ng bawat miyembro ng pamilya. Hangarin nito na paigtingin at patatagin ang samahan ng bawat pamilya sa lungsod ng Balanga upang ang tagumpay ay makamit ng bawat miyembro nito.

1-10 of 11